Salt and light

Gospel Reflection (Filipino)

Jesus said to his disciples:
“You are the salt of the earth.
But if salt loses its taste, with what can it be seasoned?
It is no longer good for anything
but to be thrown out and trampled underfoot.
You are the light of the world.
A city set on a mountain cannot be hidden.
Nor do they light a lamp and then put it under a bushel basket;
it is set on a lampstand,
where it gives light to all in the house.
Just so, your light must shine before others,
that they may see your good deeds
and glorify your heavenly Father.”

-Matthew 5:13-16


Grabbed from behindthescenesblog.com
Asin para sa sangkatauhan, ilaw para sa sanlibutan.

Ito mga kapatid ang ninanais ng ating Panginoon na tayo ay maging bilang mga Kristiyano at mga Katoliko.

Nung nakipamuhay ako sa mga lumad sa Mindanao, ang kumupkop sa akin na pamilya ay isang datu at babaylan. Kaya si Tatay Hapao halos araw araw kinukuha para mag alay sa mga diwata at ispiritu. At ang mga inaalay nya niluluto doon mismo na walang asin. Bawal ang asin. Kaya wala siyang lasa. Kaya ano ginagawa ng mga tao kung kakainin na nila ang inalay? May mga baon silang asin, nakabukod yun, para maglagay sila ng tama lang sa kanilang panlasa. Kasi wala mang lasa pag yung alay mismo ang kakainin mo. 

Sa ating simbahan ganun din. May mga tao talaga na parang kulang sa asin at makikita mo lang sa simbahan parang tatlong beses lang sa buong buhay nila, ano yun? Binyag, kasal, libing. Kulang sa alat. Sa aming pag-aaral dito sa Sta. Clara nalaman namin na halos 90% ay Katoliko pero ang nakakalungkot na realidad ay iilan lang dito ang talagang sinasabuhay ang kanilang pananampalataya, ang kanilang pagiging Katoliko, lalo na pagtinanong mo kung aktibo ba sa mga gawain sa Simbahan, hala ilang porsyento na lang, buti na lang kung aabot ng 15 porsyento.

Pero meron namang nasobrahan sa alat, at sabi nga nila, mas mabuti na lang ang kulang kay sa sobra. Tama ba? Kasi mahirap remedyuhan ang sobra sa alat, tama? Pero pag ikaw nagluluto, paano ba remedyuhan ang sobrang alat? Lagyan daw ng patatas kasi inaabsorb ng patatas ang sobrang alat, o di kaya asukal, para ang tamis kokontra sa alat, pero kahit na, pag sobrang alat iba na talaga ang lasa. 

May kaibigan ako sa Facebook, sobrang sobra naman alat nya. Faith Defender kasi daw siya, kaya ginagawa nya palagi na lang niyang kinikritisize ang mga hindi Katoliko, lalo na mga Iglesia ni Kristo. Kung ano ano ang mga pinagsasabi niya, minsan personalan na. Sabihin man natin na tayo ang pinakauna at totoong Simbahan, hiramin ko lang yung words nung pari sa Consolacion nung nakaraang Linggo, pero ang turo ni Kristo, humility, humility, humility.

At sa mga nakaraang mga Linggo yun ang palagi niyang ipinagmudmud sa atin. Kababaang loob.

Last Sunday, narinig natin ang mga pinagpala. Pinagpala ang mga walang inaasahan kundi ang Diyos (the poor in spirit), sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Pinagpala ang mapagkumbaba, sapagkat mamahanin nila ang daigdig.
Noong isang Linggo pa, ano naman ang Gospel natin? Nakita natin kung paano tinawag ni Hesus ang kanyang mga Apostoles na sina Pedro, Andres, Santiago at Juan. Pero ano ba ang kanyang pinagsasabi? Sabi niya, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”

Magsisi, magsisi, kaya kaya nating magsisi kung napakataas ang pagtingin natin sa ating sarili? Kailangan din nating magpakumbaba. At sabi din niya doin sa Ebanghelyo na iyon na, ang Lupain ng Zebulun at Neftali ay makakakita ng liwanag, si Hesus ang liwanag.

Ngayon naman sa pangalawang parte ng ating talinghaga, ano daw tayo? Tayo ay ilaw ng sanlibutan, at bilang ilaw mahirap tayo na hindi makita, sa isang mundong napakadilim, gaya ng mundo natin ngayon na nababalot sa dilim, punong puno ng kasalanan. 

Paano nga ba tayo magiging ilaw, ang pagiging asin natin ang  siyang magpapailaw sa atin. Noong 2015, nung naging host tayo sa APEC summit, may pinarangalan si dating US president Barack Obama na Pinay dahil sa kanyang imbensyon na SALTLamp, isang ilaw na gumagamit ng asin sa kanyang baterya.
Dapat tayo may tamang asin, na siyang iilaw sa atin para makita tayo ng mga tao na nasa dilim. Ano ba yung asin natin? Ang ating kababaang loob, ang ating pagsunod kay Kristo at pagsasaatin sa ugali ng ating Mahal na Ina. 

Paano nga ba tayo maging asin? Sa pakikipag away ba sa ibang sekta? Sa pagpupuna ba sa yung hindi natin kapareho? 

Sa una nating pagbasa narinig natin ang paalala ni Propetang Isaias sa mga Hudeo. Ano ba ang kanilang dapat gawin?
1. Pakainin ang nagugutom
2. Patuluyin ang walang tirahan
3. Bihisan ang mga walang suot
4. Huwag magkakait sa mga nangangailangan

At pag ginawa natin to, ang promise ng Panginoon natin:
“Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo’y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’” (Isaias 58:9).

Naririto ako… Naririto ako… napakasarap pankinggan.

At ito'y kanyang pinatuloy:
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling; kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulongan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan at magliliwanag gaya ng sa katanghaliang tapat.”
May nakilala akong nanay dito. Marami siyang pinagdaanan. Namatay ang kanyang asawa, wala siyang kasiguraduhan sa kita, at ang kanyang mga anak, hindi rin maganda ang sitwasyon kaya hindi rin siya maaalagaan. Ngunit, sa kanyanag kawalan, kaya pa rin niyang magbigay sa kanyang sarili sa mga gawain sa simbahan, kaya pa rin niyang magbigay sa ating stewardship program kahit konti. Naremind ako sa kwento ng ating Panginoong Hesus sa atin yung tungkol  sa balo at sa isang mayaman na nagbigay sa templo.

Kaya minsan sa ating kawalan, sa ating pangangailangan, gustohin man nating magbigay paano yan? Sabi ni San Pablo sa mga taga Korinto, manalig tayo, manalig tayo sa Salita, sa promise ng ating Panginoon, kasi ang pananampalatayang ito, na puno ng matibay na paniniwala ang siyang gagamitin niya para pagtibayin din ang pananampalataya ng iba. 

Ito ang paraan para tayo ay maging ilaw para sa sangkatauhan. At dito sa Eukaristiya, lingo lingo, o araw araw, tayo ay nireremind kung paano naging ilaw ng sangkatauhan ang ating Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang pagpapakumbaba to the point na kaya nyang tiisin ang panlalait ng kanyang mga kababayan. Lahat dahil mahal na mahal nya ang ating Diyos Ama, at dahil dito, mahal na mahal niya tayo hanggang kamatayan, at sa pagkabuhay namang muli.

Maging example tayo kung ano ba talaga ang isang Kristiyano. Ang isang Kristiyano ba ay puno ng galit doon sa mga taong hindi niya kapareha? Puro ba panglalait at paninira ang lumalabas sa kanyang bibig? Di ba niya kayang mahalin ang kapwa? Bulag ba siya sa pangangailanagn ng kanyang kapitbahay?

Ating pagninilayan.

Comments

Popular Posts