Ang misteryo ng pagmamahal ng Diyos

Gospel Reflection

Photo by Tribo, O.Carm. taken at the Pahingalayan ng Inang Maria in Paysawan, Bagac, Bataan. September 2017.

Napakaganda ng misteryo and hiwaga ng kabaitan, ng awa at habag, ng pagmamahal ng pag-ibig ng Diyos sa atin.

Paano nating masabi na maganda ang kanyang pagmamahal sa atin? Bakit siya naging misteryo?

Ito ang dalawang mga bagay na ating pagninilayan sa gabing ito.

Sabi nga natin na sa araw na ito ating ginugunita ang ating mga kapatid na mga Koreano na na martir dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos, dahil sa kanilang takot sa Diyos, dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo, dahil hawak nila ang pangako ni Kristo ng buhay na walang hanggan, na sa langit ipinaghanda na niya tayo ng kwarto doon sa mansyon ng ating Diyos Ama.

Marami sa kanila ay nakadanas ng torture, pinahirapan bago pinatay sa may Han River malapit sa Seoul, ang kapital ng Korea. Si Andrew Kim Tae-gon na isang pari mismo ay nakadanas nito. Bakit? Dahil lokoloko siya. Lokoloko siya at alam niya na hinuhunting ang mga Kristiyano, hala sige pa rin siya at tinulongan pa nya ang mga misyonero na makapasok sa Korea para maipaabot sa mga Koreano na nauuhaw sa magandang balita ng Panginoon ang pagmamahal ni Kristo sa kanila. Lokoloko siya at ang halos 10,000 na mga na martir sa Korea nung panahong 1700 hanggang 1800 dahil kahit alam nila na bawal sige pa rin sila ng sige. Lokoloko sila sa pagmamahal ng Diyos.

Ganyan ang pagmamahal. Pag mahal mo ang isang tao, halos lahat na lang gagawin mo para maging masaya siya.

Kahit ipahiya mo pa sarili mo. Na-buang sa gugma.

Ganyan din ang pagmamahal ng Panginoon sa atin, kaya nga ito ay isang misteryo. Misteryo dahil hindi natin maisip kung bakit ipinadala niya ang kanyang kaisa-isang anak para maghirap at mamatay para sa mga taong hindi naman marunong magsisi sa kanyang mga kasalanang ginawa at kahit magsisi man siya, magkumpisal, at kung ano pang mga penitensya ang gagawin, paulit-ulit pa rin niyang gawin ang parehong kasalanan. Kaya nga minsan ang ibang mga pari, di ba, parang robot na lang kung makinig sa mga taong nangungumpisal kasi paulit-ulit lang din naman.

“O ayan na si Tsang, ito na naman yung mga kasalanan na ikukumpisal nito.” “O ayan si Dodong, hay, siguro di na naman mapigilan ang sarili at ito na naman ang ginawa kaya nagkumpisal.”

Pero sabi nga dahil mahal tayo ng Panginoon ang kanyang pagpapatawad sa atin ay walang hanggan kaya hanggang maari tayo ay magpatawaran sa isa’t isa kasi iyan ay isa sa mga tanda ng presensya ng Panginoong Hesus sa ating komunidad. Di ba sabi niya kay San Pedro na hindi lang pitong beses niyang patawarin ang nagkasala sa kanya kung hindi 77 times! Kaya wag kayong magsawang magpatawad, ito ang kaugalian sa langit, sa Kaharian ng Diyos. Sabi nga ang pamamaraan ng mundo ay kakaiba sa pamamaraan ng Diyos Ama. Kung sa mundo kailangang gumanti, sa langit, ibigay pa natin ang ating kabilang pisngi. Ang pagsasakripisyo alang alang sa kapwa, para siya ay maakay natin kay Kristo ay ang pamamaraan ng langit, iyan ang hustisya sa langit.

At kung tayo ay totoong taga-sunod kay Kristo, kung totoo nating minamahal ang Panginoon Diyos, then ito rin ay ating sundin, kasi tayo nga dapat ay may takot sa Diyos. Pero ano ba ang takot sa Diyos? Eto ba ay panginginig sa presensya ng Diyos? Ito ba ay hindi paggawa ng masama dahil takot tayo na tayo ay magbabayad dito, baka itapon pa tayo sa naglalagablab na asupre’t apoy.

Ang takot sa Diyos sa konteksto ng mga Hudyo ay dala ng pagmamahal at pagrespeto sa Diyos. Ito ay ang pinakamataas na paggalang sa ating Panginoon. At dahil may takot tayo sa kanya, gagawin natin ng may pagmamahal ang kanyang gusto, ang kanyang pinapagawa sa atin. Susundin natin siya, hanggang ang aking ugali ay maging kamukha ng Diyos. Ito ang takot sa Diyos na sinasabi sa Salmo natin ngayon, na binibigyan nya ng pagkain ang yong may takot sa kanya. Na hindi niya sila gugutumin, at lahat ng kanilang pangangailangan, hindi kasali ang kanilang mga luho, ay kanyang ibibigay, dahil meron silang pagmamahal sa kanya.

Sa ating Ebanghelyo ngayon, ipinapakita ng Panginoong Hesukristo sa atin na ang sukatan ng Panginoon ay naiiba sa sukatan ng mga tao, ang ugali ng Panginoon ay naiiba sa ugali ng mga tao kaya hindi nagdedepende sa ating sukatan ang mga pamamaraan ng Panginoon. Ang kanyang mga pinadala ay hindi ayon sa kung anong gusto natin, kung hindi naayon sa kung ano ang gusto ng Panginoong Diyos para sa atin, kung ano, sa tingin nya ang pangangailangan natin.

Atin po itong pagnilayan.

Comments

Popular Posts